Explore related documents that you might be interested in.

Read Online

Edukasyon Para sa Lahat ng Ating mga Anak: Pagtanggap sa Magkakaibang mga Etnisidad

Ang pag-aaral na ito ay isang Long-Term Insights Briefing

Ang Long-Term Insights Briefing ay tutulong tukuyin at siyasatin ang mga mahalagang isyu para sa kagalingan ng mga tao sa Aotearoa New Zealand sa hinaharap. Nagbibigay ang mga ito ng impormasyon tungkol sa katamtaman at pangmatagalang mga kalakaran (trends), panganib, at oportunidad, at nagsisiyasat ng mga opsyon kung ano ang pinakamabuting paraan ng pagtugon.

Ang Education Review Office, sa pakikipagtulungan sa Ministry for Ethnic Communities, ay nagnanais maunawaan ang mga karanasan sa edukasyon ng mga mag-aaral at ng kanilang whānau mula sa mga etnikong komunidad. 

Ang “whānau” ay tumutukoy sa mga magulang/tagapag-alaga at pinalawak na pamilya ng mga mag-aaral na ito upang kilalanin ang kahalagahan ng kanilang mga malapit na relasyon at pakikipag-ugnayan.

Ano ang etnikong pagkakaiba-iba?

Maraming mga uri ng pagkakaiba-iba kabilang, bukod pa sa iba, ang pagkakaiba-ibang etniko, kultura, wika, kasarian, sekswal na identidad, at relihiyon. Para sa pag-aaral na ito, tumuon kami sa etnikong pagkakaiba-iba at kaugnay na pagkakaiba-iba sa wika, kultura, at relihiyon. Ang etnisidad ay inilalarawan bilang mga grupong etniko na tinutukoy o dama ng mga tao na kinabibilangan nila. Ang mga etnikong komunidad na kasali sa ulat na ito ay ang African, Asian, Latin American, at Middle Eastern. 

Sino ang mga mag-aaral na ito?

Lubhang magkakaiba ang mga mag-aaral mula sa mga etnikong komunidad na may malawak na hanay ng mga etnisidad, relihiyon, kultura, itinagal na panahon sa New Zealand, at pinagmulan ng pamilya. Mahigit dalawang-katlo (two thirds) ng mga mag-aaral mula sa mga etnikong komunidad ay ipinanganak sa New Zealand. Maraming mga mag-aaral ang may iba't ibang etnisidad, at higit sa kalahati ng mga etnikong komunidad ay nagsasalita ng iba't ibang wika.

Ano ang anyo ng etnikong pagkakaiba-iba sa mga paaralan sa Aotearoa New Zealand schools, at paano ito nagbabago?

Ang Aotearoa New Zealand ay may magkakaibang etnisidad, at napakabilis nitong nagbabago.

Lumalaki ang pagkakaiba-iba sa buong bansa, ngunit pinakamabilis ang paglaki sa mga lungsod. Ang mga mag-aaral ay magmumula sa malawak na hanay ng mga etnikong komunidad. Pagdating ng 2043, inaasahang mahigit isa sa apat (26 na porsyento) ng mga mag-aaral ay tutukoy sa sarili bilang Asian at mga isa sa 20 (3.6 na porsyento) ang tutukoy sa sarili bilang Middle Eastern, Latin American, o African (MELAA). Sa Auckland, mahigit dalawa sa limang (43 porsyento) mga mag-aaral ay tutukoy sa sarili bilang Asian.

Figure 1: Proporsyon ng mga mag-aaral (may edad na 5 – 19) sa Aotearoa New Zealand na tumukoy sa sarili bilang MELAA o Asian

Stats NZ, 2013 at 2018 na mga Census, Grupong Etniko (para sa 2013 at 2018); at National ethnic population projections: 2018(base)–2043, Median projections (para sa 2043).

Figure 2: Proporsyon ng mga mag-aaral (may edad na 5 – 19) sa rehiyon na tumutukoy sa sarili bilang Asian

Pinagkunan: Stats NZ, 2018 Census, Grupong etniko (para sa 2018) at Subnational Population Projections 2018‑base (para sa 2043) Median projections (para sa 2043).

The Asian population is expected to increase in schools across the country

Inaasahang darami ang populasyon ng Asian sa mga paaralan sa buong bansa

 Ano ang mga karanasan sa edukasyon ng mga mag-aaral at ng kanilang whānau mula sa mga magkakaibang etnikong komunidad?

1. Maraming mga mag-aaral mula sa mga etnikong komunidad ang may mahusay na paggampan (performance) sa edukasyon.

Kung titingnan ang National Certificates of Educational Achievement (NCEA), ang nakamit at pagpapatibay ay mas mataas para sa mga Asian na mag-aaral kaysa sa average sa New Zealand, at ang mga mag-aaral na MELAA at Asian ay mas malamang magtagumpay sa University Entrance at makapasok sa unibersidad. Gayunpaman, may mga mahalagang kaibahan sa mga etnikong komunidad, at sa lahat ng mga etnikong komunidad ay may mga mag-aaral na hindi mahusay ang paggampan.

Figure 3: mga pagpapatibay ng NCEA Level 2 Merit and Excellence, ayon sa etnisidad: 2021

Pinagkunan: NZQA, NCEA Attainment by Level 1, 2 and 3 ethnicities, 2021

2. Nakakaranas ng kalat na kalat na pambu-bully dahil sa lahi ang mga mag-aaral mula sa mga etnikong komunidad, na kadalasan ay hindi siniseryoso ng kanilang paaralan.

Isa sa limang mag-aaral mula sa mga etnikong komunidad ang nakaranas ng pambu-bully dahil sa lahi sa nakaraang buwan, at mahigit sa kalahati ang nakakita ng pambu-bully sa iba dahil sa kanilang etnisidad. Nagsabi ang whānau at mga mag-aaral na ang pambu-bully dahil sa lahi ay kailangang matukoy at matalakay nang mas mahusay sa paaralan. Palagay ng halos sangkatlo ng mga mag-aaral mula sa mga etnikong komunidad na hindi siniseryoso ng kanilang paaralan ang pambu-bully dahil sa lahi.

Figure 4: Mga karanasan ng mga mag-aaral ng pambu-bully dahil sa lahi at rasismo sa nakaraang 30 araw

Figure 4: Mga karanasan ng mga mag-aaral ng pambu-bully dahil sa lahi at rasismo sa nakaraang 30 araw

Pinagkunan: ERO student survey, 2022

“Parang naiilang ako sa pagbabaon ng pagkaing Indian sa paaralan dahil kailangan mong kainin ito gamit ang iyong mga kamay. Isa sa mga kaibigan ko—Indian din siya, ay na-bully nang matindi dahil sa kanyang pagkain na siya tuloy ay naging mapag-isa. At sinubukan niyang magbaon ng mga sandwich sa paaralan kahit na hindi niya gusto ang mga ito, pero huli na”. (Mag-aaral)

3. Kadalasan, ang mga mag-aaral mula sa mga etnikong komunidad ay nakadarama na hindi sila kabilang.

Halos isa sa limang mag-aaral mula sa mga etnikong komunidad ang nagsabi na madalas nilang nadarama na hindi sila kabilang at ang sangkatlo ay nakadarama ng kalungkutan sa paaralan linggo-linggo o araw-araw. Halos isa sa lima ay nakadama rin na kailangan nilang itago ang kanilang etnikong identidad sa paaralan, o nakadama na hindi sila isinali sa mga aktibidad dahil sa kanilang etnikong identidad. Ang mga mag-aaral na MELAA, lalo na, ay may mababang kagalingan.

“Tila ang tanging oras na maaari kang makipag-interaksyon sa sarili mong kultura ay sa linggo ng kultura.” (Mag-aaral)

4. Ang ibinibigay na edukasyon ay hindi laging sumasalamin sa ninanais ng mga whānau at mag-aaral mula sa mga etnikong komunidad.

Sa pagbabago ng Aotearoa New Zealand, magbabago rin kung ano ang gusto ng mga komunidad mula sa edukasyon. Sa kasalukuyan, hindi laging sinasalamin ng edukasyon kung ano ang gusto ng whānau mula sa mga etnikong komunidad. Apat sa 10 whānau, at halos sangkatlo ng mga mag-aaral mula sa mga etnikong komunidad, ay hindi nadaramang sapat na mapanghamon ang gawaing pampaaralan. Ipinapalagay ng halos dalawang-katlo ng whānau na dapat suportahan ng mga paaralan ang kanilang wika, ngunit may 11 mga wikang etniko - kabilang ang Hindi, na pang-apat sa pinakakaraniwang wika na ginagamit sa Aotearoa - na hindi makukuha bilang mga kwalipikasyon ng NCEA. Nais din ng ilang whānau na magturo ang mga paaralan ng higit pa tungkol sa mga relihiyon.

5. Ang whānau mula sa mga etnikong komunidad ay may kinakaharap na mga hadlang sa pakikipag-ugnayan sa mga paaralan.

Nais ng mga whānau mula sa mga etnikong komunidad na maging bahagi ng edukasyon ng kanilang mga anak. Dumadalo sila sa mga sesyon ng impormasyon para sa magulang nang higit pa sa anumang aktibidad ngunit ang impormasyon tungkol sa pag-aaral ng kanilang mga anak ay hindi sapat o nakakalito. Labis na kulang ang pagkatawan nila sa mga School Board – halimbawa, 2 porsyento lamang ng mga magulang na kasali sa mga School Board ay Asian.

6. Maraming mga mag-aaral mula sa mga etnikong komunidad ang nagpapatuloy sa pag-aaral sa unibersidad, ngunit ang mga landasin ay nakakalito, at, para sa ilan, ang mga mapagpipilian ay di-makatarungang hinihigpitan  dahil sa pagkiling (bias) ng mga guro.

Ang mga mag-aaral mula sa mga etnikong komunidad ay mas malamang na magpatuloy sa pag-aaral sa unibersidad kaysa sa average ng New Zealand. Ngunit para sa ilan, ang kanilang mapagpipilian ay hinihigpitan. Mahigit isa sa apat na mga mag-aaral sa sekundaryo na mula sa mga etnikong komunidad ang nagsabi na ang mga rekomendasyon ng mga guro para sa pipiliin nilang kurso ay naiimpluwensyahan ng etnisidad. Ang mga mag-aaral at whānau mula sa mga etnikong komunidad ay nalilito sa NCEA. At ang ikalimang bahagi ng mga mag-aaral ay nadaramang sila ay hindi sinusuportahan sa pagpili ng mga asignatura o landasin sa karera.

“Ang pag-stereotype kung ano ang dapat mithiin ng mga partikular na grupong etniko ay lubos na nakakalimita at ang mga estudyante ay hindi makaabot sa kanilang mga minimithi”. (Lider ng kabataan sa komunidad)

Paano natutugunan ng mga paaralan ang mga pangangailangan ng mga mag-aaral at whānau mula sa mga etnikong komunidad?

1.  Ang ilang mga paaralan ay gumagawa na ng mga pagbabago at sumusunod na sa mga bagong gawi upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga etnikong komunidad.

Bumisita ang ERO sa mga paaralan at natuklasang ibinabagay na ng marami kung ano at paano sila nagtuturo, nakikipag-ugnayan sa mga etnikong komunidad, at pinabubuti ang kanilang pag-unawa sa mga kultura at mga pangangailangan sa pagkatuto ng kanilang mga mag-aaral. Gayunpaman, natuklasan din namin na may kinakaharap na mga hamon ang mga paaralan habang sila ay umaakma, na hindi lahat ng mga paaralan ay sumusunod sa mga bagong gawi, at marami ang hindi nakakaalam kung gumagana ang kanilang ginagawa.

2. Ang pag-unawa ng mga guro sa kanilang mga mag-aaral, kabilang ang kanilang kultura, ay mahalaga sa mga karanasan sa paaralan ng mga mag-aaral, ngunit kailangan itong patatagin.

Ang pag-unawa ng mga guro sa mga kultura ay hindi nakakasabay sa ating nagbabagong populasyon. Ang lakas-manggagawa (workforce) sa pagtuturo ay hindi sumasalamin sa mga etnisidad ng mga mag-aaral. Halimbawa, 5 porsyento lamang ng mga guro ay Asian. Nag-aalala ang mga whānau at mag-aaral tungkol sa kakulangan ng kaalaman at kamalayan sa kultura ng mga guro. Nag-ulat ang mga guro ng pagkakaroon ng limitadong kamalayan tungkol sa mga pangangailangan sa kultura at pagkatuto ng mga mag-aaral. Mahigit sa kalahati ng mga guro ang walang kumpiyansang makipag-ugnayan sa mga etnikong komunidad. Kalahati ng mga mag-aaral mula sa mga etnikong komunidad ang nag-ulat na ang kanilang mga pangalan ay binibigkas nang mali ng kanilang guro.

Ano ang mga implikasyon nito para sa edukasyon sa hinaharap?

Habang nagiging mas magkakaiba ang mga paaralan sa New Zealand, ito ay magandang pagkakataon upang tingnang muli ang edukasyon at maging kung ano ang ating itinuturo at paano tayo nagtuturo. Natukoy namin ang limang malalaking implikasyon kapag pinag-iisipan ang kinabukasan ng edukasyon sa Aotearoa New Zealand.

1. Kailangang tumugon ang bawat paaralan sa nadaragdagang etnikong pagkakaiba-iba.

Ang etnikong pagkakaiba-iba ay madaragdagan sa buong bansa – hindi lang sa Auckland – at ang pinakamalaking mga pagbabago ay sa populasyon ng ating kabataan. Ang pagdagdag na ito sa etnikong pagkakaiba-iba sa mga paaralan ay sumasalamin sa mga dagdag sa pagkakaiba-iba ng mga kultura, at ang pagkakaiba-iba ng ginagamit na mga wika. Kailangang matugunan ng bawat paaralan ang mga pangangailangan ng mga mag-aaral mula sa mga etnikong komunidad upang sila ay hindi lamang patuloy na magtagumpay sa edukasyon kundi umunlad din sila sa paaralan.
 
2. Kailangang harapin ng bawat paaralan ang rasismo.

Sa Aotearoa New Zealand, napakaraming mga mag-aaral mula sa mga etnikong komunidad ang dumaranas ng pambu-bully dahil sa lahi at mga pagkiling sa lahi. At, kapag nagsabi sila ng mga alalahanin, ang mga ito ay hindi laging inaaksyunan. Dapat pa natin itong pagbutihin. Kailangang hadlangan at harapin ng bawat paaralan ang rasismo.

3. Kailangan nating maging mas mahusay sa paghahatid ng edukasyon para sa mga mag-aaral mula sa mga etnikong komunidad.

Kailangan nating higit na maunawaan kung ano ang mga karanasan sa pagkatuto at mga kalalabasang nais ng magkakaibang mga etnikong komunidad. Maaaring kabilangan ito ng mga uri at lokasyon ng mga paaralan, at mga itinuturong asignatura. Dapat nating palakihin ang pangkulturang kakayahan ng kasalukuyang lakas-manggagawa sa pagtuturo at paunlarin ang mas etnikong pagkakaiba-iba ng lakas-manggagawa sa pagtuturo para sa hinaharap.

4. Kailangang mas maunawaan natin ang mga karanasan at kalalabasan sa edukasyon ng mga mag-aaral mula sa mga etnikong komunidad at bigyan sila ng mas malakas na tinig sa edukasyon.

Sa 2043, sangkapat ng mga mag-aaral ay magmumula sa mga etnikong komunidad; ang kanilang mga komunidad ay dapat magkaroon ng mas malakas na tinig tungkol sa tinatanggap nilang edukasyon. Ang ating mga mag-aaral mula sa mga etnikong komunidad at ang kanilang whānau ay kadalasang hindi nakikita sa mga datos na ating kinokolekta sa edukasyon, sa mga pag-uusap natin tungkol sa edukasyon, at sa mga desisyong ating ginagawa. Kailangan nating maunawaan ang kanilang mga karanasan at kalalabasan (lalo na ang pagkakaiba-iba ng iba't ibang mga grupong etniko), at mabigyan ng mas malakas na tinig sa edukasyon ang mga etnikong komunidad.

5. Para sa kinabukasan ng Aotearoa New Zealand, kailangang maging mahusay ang edukasyon para sa mga mag-aaral mula sa mga etnikong komunidad at sa kanilang whānau.

Ang mga mag-aaral at ang kanilang whānau mula sa mga etnikong komunidad ay may mataas na mithiin para sa kanilang edukasyon at pinahahalagahan ang pagpapanatili ng kanilang mga wika. Ang pagsuporta sa mga mithiing ito at pagpapahusay ng edukasyon sa Aotearoa New Zealand para sa mga mag-aaral mula sa lahat ng mga etnisidad at kultura, ay tutulong sa atin na patatagin ang ating sistema ng edukasyon, lakas-manggagawa, kultura, at relasyon sa ibang mga bansa.

Ano ang mangyayari ngayon? Mga pangunahing bahagi na pagtutuunan para sa hinaharap

Maraming mga mag-aaral mula sa mga etnikong komunidad ang nagtatagumpay sa edukasyon, ngunit kailangan nilang malabanan ang kalat na kalat na rasismo, pagkakabukod, at kawalan ng pag-unawang pangkultura. Upang umunlad bilang isang bansa, kailangan nating magbago. May limang bahagi kung saan may mga oportunidad para magbago sa darating na panahon.

1. Pagwawakas sa rasismo. Sa hinaharap, may mga opsyon upang magkaroon ng mas matatag na maaasahan tungkol sa pagharap sa rasismo at magbigay ng mas malinaw na paraan para makapaghain ng mga alalahanin ang mga magulang at mag-aaral kapag hindi tinalakay ang rasismo. Maaari rin nating ituon ang ating pagsisikap sa pagsugpo ng rasismo laban sa mga grupo na pinakamadalas na tinatarget nito.

2. Baguhin kung ano ang itinuturo. Sa hinaharap, maaaring baguhin ang mga itinuturo sa mga paaralan upang mas mahusay na sumalamin sa ninanais mula sa edukasyon ng mga etnikong komunidad at ng kanilang mga mag-aaral sa New Zealand. Maaaring kabilangan ito ng pagbabago ng mga itinuturong mga wika sa mga paaralan, ang paraan ng ating pagtuturo tungkol sa mga relihiyon, ang pagsasama ng mga etnikong komunidad at ng kanilang mga kasaysayan sa mga itinuturo, at ang antas ng paghamon sa gawaing pampaaralan.

3. Baguhin kung paano ito ituturo (at sino ang mga guro). Sa hinaharap, kailangang maunawaan at matugunan ng mga guro ang mga pangangailangan ng mas lalong magkakaibang grupo ng mga mag-aaral. May mga opsyon upang paunlarin ang mga kasanayan ng mga guro at magbigay ng mga landasin na susuporta sa mas maraming miyembro ng mga etnikong komunidad tungo sa pagtuturo at pagiging mga Teacher Aide.

4. Baguhin kung saan ito ituturo (pinalawak na mga opsyon). Sa hinaharap, ang mga etnikong komunidad ay maaaring humanap ng mga paaralan na katugma ng kanilang mga inaasahan para sa edukasyon. May umiiral na mga mekanismo upang lumikha ng mga paaralang may natatanging mga pinahahalagahan, katangian, at inaasahan at mga opsyon upang madagdagan ang suporta para sa mga komunidad upang magawa nila ang mga ito.

5. Palakihin ang bisibilidad at tinig ng mga etnikong komunidad sa edukasyon. Sa hinaharap, may mga opsyon upang mas masigasig na makalap at masubaybayan ang impormasyon hinggil sa katayuan ng mga mag-aaral na ito, at unahin at aktibong mag-recruit ng mga etnikong komunidad at mag-aaral sa pamamahala ng paaralan.

Konklusyon

Ang Aotearoa New Zealand ay may lalong dumaraming magkakaiba-ibang etniko. Nagbibigay ito ng pagkakataon para sa ating sistema ng edukasyon na tanggapin ang pagbabagong ito at bumagay upang umunlad ang mga mag-aaral mula sa mga etnikong komunidad at ang kanilang whānau. Pagdating ng 2043, sangkapat ng lahat ng ating mga estudyante ay magmumula sa mga etnikong komunidad. Mahalaga ang ninanais nila para sa edukasyon.

Sa pagtanggap ng edukasyon sa pagkakaiba-iba at pagtugon sa mga pangangailangan ng lahat ng mga mag-aaral, ang Aotearoa New Zealand ay magkakaroon ng mas matatag na lipunan, ekonomiya at kultura. Ito rin ay magiging mas kaakit-akit na lugar para sa mga taong mula sa magkakaiba-ibang etnikong komunidad upang manirahan, magtrabaho, at magpalaki ng kanilang mga pamilya.

Kung nais mong malaman ang higit pa tungkol sa aming pag-aaral, maaari mong basahin ang buong ulat sa: Education for all our Children: Embracing Diverse Ethnicities (Edukasyon para sa lahat ng ating mga Anak: Pagtanggap sa Magkakaiba-ibang Etnisidad)

Ang buod na ito ay makukuha sa sumusunod na mga wika: English, Arabic, Chinese (Simplified), Hindi, Japanese, Khmer, Korean, Spanish, Tagalog, Vietnamese.

Ang ginawa ng ERO

Upang maunawaan kung gaano kahusay ang edukasyon para sa mga mag-aaral mula sa magkakaibang mga etnikong komunidad, nangalap kami ng impormasyon sa iba't ibang paraan:

  • mga survey ng whānau (1,250 mga tugon), makukuha sa 10 wika
  • mga survey ng mga mag-aaral (558) at mga guro (263)
  • pagbisita sa walong paaralan sa buong Aotearoa New Zealand
  • 13 mga pangkomunidad na hui/focus group
  • mga pakikipanayam sa 12 lider ng komunidad o mga nagsumite
  • 56 na isinumite
  • online na mga focus group na may mga lider ng paaralan mula sa walong paaralan
  • malawak na hanay ng mga datos mula sa mga ahensya ng pamahalaan.

Ginabayan kami ng pampublikong konsultasyon

Ang pag-aaral na ito ay ginabayan ng mga etnikong komunidad. Noong Marso 2022, naglathala kami ng dokumentong pangkonsultasyon sa paksang Long-Term Insights Briefing, at humiling kami ng mga pagsusumite (submissions). Noong Nobyembre 2022, naglabas kami ng draft na ulat para sa pampublikong konsultasyon, nagdaos ng hui, at tumanggap ng nakasulat na komento tungkol sa draft na ulat. Ang dokumento ng pangunang konsultasyon ay nakuha sa pitong wika: Ingles, Te Reo, Arabic, Chinese (Simplified), Hindi, Japanese, Korean; at ang buod ng Draft na ulat at ang mga tanong para sa Phase 2 na Konsultasyon ay nakuha sa Ingles, Arabic, Chinese (Simplified), Hindi, Japanese, Khmer, Korean, Spanish, Tagalog, Vietnamese.

Nagpapasalamat kami sa ginawa ng lahat ng sumuporta sa pag-aaral na ito, lalo na ang mga mag-aaral, magulang at whānau mula sa magkakaibang etnikong komunidad, na nagbahagi sa amin ng kanilang mga karanasan, opinyon, at kaalaman sa pamamagitan ng mga interbyu, talakayang panggrupo, at survey. Ang kanilang mga karanasan ay nasa sentro ng aming natutunan. Nagpapasalamat kami sa pagbibigay ninyo ng oras, at sa pagbabahagi ng inyong kaalaman at karanasan nang tapat at buong-puso.